Kontraktwal

Tatlong taon na akong guro sa iba’t ibang unibersidad. Sa tatlong taon, naka-apat na eskwelahan ako. Madaling makapasok sa mga eskwelahan, may kinalaman ang eskwelahan na pinanggalingan ko kaya ako pinansin ng mga eskwelahan, pero mahirap manatili. Tumagal lang ako ng isang semestre sa tatlo sa apat na eskwelahan na pinasukan ko. At dalawang taon mahigit na sa kasalukuyan kong pinagtuturuan.

Sa umpisa, masasabing maluwag ang pamamalakad sa mga eskwelahan na napasukan ko. Ikaw ang gagawa ng sariling silabus, ikaw ang bahala sa readings o maaaringmagdagdag ng readings, wow! academic freedom. Hindi mo kailangang manatili sa faculty room para makipagplastikan sa mga kapwa guro mong hindi mo alam kung makakasundo mo o hindi. Didikitan mo lang ang kakilala mo dahil ka-eskwela mo. Papasok ka sa oras ng klase mo at aalis ka pagkatapos nito. Teach and go, ‘ika nga nila.

Hindi ko alam na maging sa konsultahan hinggil sa mga estudyante mong tagilid sa klase ay sariling sikap din. Walang pamamaraan ang teach and go na mga guro para ikonsulta ang mga sumusulpot na usapin tulad ng laging pagliban ng mga estudyante, ng medyo kakaibang estudyante sa karamihan, ng pag-unlad ng estudyante sa ibang larangan o di kaya ay kakonsultahan sa pamamaraan ng pagtuturo, dagdag na babasahin at iba pa.

Dahil teach and go, hindi ako nakapaloob sa kahit na anong permanenteng komite sa eskwelahan kung saan mas matatanaw sana ang tinutungo ng eskwelahan at mga estudyante. Kailangang mangapa sa mga ganap kay F, sinumpong na naman daw. Mabibigla ka na lamang na tititigan ka na lamang nang masama ng isang estudyante mo dahil lang biniro mo siyang minarkahan sya ng pagliban (akala mo ay bumubuo ka lang ng rapport)– malalaman mo na lamang na espesyal pala ang kalagayan niya. Makakarinig ka na lang ng biglang sisigaw o di kaya paulit-ulit ang sinasabi sa recitation kahit na in-acknowledge mo na ito.

Hindi naman marami ang mga iyan sa mga naging estudyante ko. Mayroon namang ibang uri tulad ng mga estudyanteng mas maraming beses pa ang itinambay sa labas kaysa sa loob ng klase (hindi mo rin masisi). Estudyanteng maraming excuses sa pagliban sa klase, namatay na ata lahat kahit pinsan sa tuhod. At pumunta sa ospital, lamay o burol.

(Itutuloy ko na lang bukas, inaantok na ako…)

Madalas

Madalas sabihin sa
sarili na
irespeto ang lahat ng piniling
gawin sa buhay
Hindi dahil marangal
ang gawi na ito. Kundi
mas para sa sarili.
Pabago-bago ang
mundo. Hayaang may isa
na mapanghahawakan
kahit na wala.

Kung

kung natuto lamang
ako nang maaga sa paglangoy
di sana’y sinalubong ko
ang bawat mong alon. patianod
sa bawat mong ragasa. patangay
sa bawat mong paghigop.
pagkat
walang puwang ang
pagmamatigas
sa harap ng rumaragasa
nating pag-ibig, mahal.

Madali

Mahuhuli ka na
sa trabaho kaya
kinakaladkad mo ang
ang paa
sa daan
Mabilis
Patintero sa iba pang
naglalakad, sa bisikleta
sa tindera sa daan
Nang makasalubong
mo ang isang taong
gulat na gulat
na makita ka
Bahagya kang huminto
ngunit agad ding binawi
ng pagmamadali
ang iyong pagtataka
Ilang hakbang
pagkalampas
sa nakitang tao
Bigla mong naalala
ang pangalan niya-
si Kamatayan.
At lumingon ka pabalik

maging mabait

lagi tayong sinasabihan

na unawain ang ibang tao, ang kanilang

pagtingin

kahit pa gaano

ito kaluma

kabaliw o

nakakainis.

may isang nagsabi

na tingnan

ang kanilang pagkakamali

ang kanilang naaksayang buhay

nang may

kabaitan,

lalo na kung sila’y

may edad na.

ngunit ang edad ang kabuuan ng

ating mga mga nagawa.

tumanda sila

nang sobra

dahil sila’y

nabuhay

nang walang sentro,

tumanggi silang

makakita nito.

hindi nila kasalanan?

kanino kung gayon?

sa akin?

sinabihan Akong itago

ang aking pagtingin

sa kanila

dahil sa takot ng kanilang

takot.

hindi krimen ang pagtanda

pero ang kahihiyan

ng sinadyang

maaksayang

buhay

sa lahat ng maraming

sadyang

naaksayang

mga buhay

ay krimen.

*Pagtatangka na isalin ang tula ni Bukowkski na Be Kind.

Kwentuhan

Kinita niya ang kaibigan sa lugar na madalas kainan ng mga nagmamadali. Agad silang umalis sa lugar pagkatapos magpalitan ng kanina ka pa? at hindi naman. Sabay na nagsalita ng tara?. Alam na alam ng kanilang paa ang kanilang pupuntahan. Naglakad sila kasabay ng kwentuhan tungkol sa masarap na luto ng laing ng kanilang mga asawa.  Dumaan din sa kanilang harapan ang kwentuhan sa kakayahang lutuing mga putahi at kung anong pagkain ang nilalagyan ng sibuyas, bawang at luya at kung ano ang hindi.

Nakarating sila sa isang minimart, bumili ng inumin at chichiria na pupuno sa oras ng paghihintay. Dinugtungan ang kaninang kwentuhan ng mga gawaing bahay, gawain sa opisina, sagutan at awayan sa kani-kanilang boss. Inisa-isa rin nila ang mga taong nakasama’t inibig sa kanilang buhay. Nang wala nang mailabas ang chichiria’y nagpasya silang magtungo sa ukayan. Doon nila hinanap ang mga kunsunadang sapatos, damit at bag.

11:58 ng tanghali. Mainit. Di pangkaraniwan ang dami ng tao sa gilid ng kalsadang abala sa mga nagdaraan. Nakakita ng magandang blouse ang isa, itinaas niya ito’t ipinakita sa kasama sabay pagtatanong ng mata kung maganda’t bagay ba sa kanya. Alas-dose na, tugon ng isa. Nagmadali silang maglakad palabas sa ukayan. May kung anong ingay sa kalsada.

Sagot, sagot, sagot sa Kahirapan!

Ilang piraso ng lumbay

  1. Walang kapares na medyas.

  1. Nag-iisang toothbrush sa lalagyang baso.

  1. Isang masinop na masinop na lagayan ng sapatos. Ang lahat ay nakaayos. Magkakasama ang magkakapares. Pantay-pantay ang pagkakalagay.

  1. Isang kumot na kapos sa kanyang pinaglilikuran. Handang magsilbi ngunit nasa hanggahan na ng kanyang limitasyon.

  1. Isang babaeng nakahiga sa malaking kama. Tanging ang kanang bahagi lamang ang inookupa animo’y may naghahati sa magkabilang panig. Umuusal ng dasal na sana’y magising nang may katabi sa pahingahan.

  1. Inaalikabok na libro sa mesa.

  1. Said na tubig sa plorera.

  1. Sulat na hindi pa nabubuksan.